Wednesday, November 26, 2008

Ang Ipin at ang Kultura

Bukod sa pananamit, ayos ng buhok, tangos ng ilong, kaputian ng balat, kolorete at tangkad, isa pang basehan ng kagandahan ang ipin sa iba't ibang kultura.

Ang pagpapauti ng ipin ay “in na in” ngayon sa ating bansa maging sa mga bansang may pagka-kanluranin ang kultura. Ipinapakita pa nga sa telibisyon na maganda at nakahuhumaling ang pantay-pantay at maputing ipin. Kumbaga ang ngipin nila Tom Cruise at Angelina Jolie ang nagiging basehan sa isang perpektong ngiti na sadyang nakakapigil-hininga. Usong-uso ngayon ang sparkling white teeth, na tipo bang nakakasilaw at nakakabulag kapag ikaw ay nangitian. Nuong ako ay nasa high school, lagi kong napupuna ang mga ngiti ng tao, napapansin ko kung may sungki, kung maitim, kung madumi at kung anu-anu pa. Sa ating kultura kasi ang magandang ngiti ay yun ngang nakakasilaw at walang bako bako. Malamang nakuha natin ang ganitong mentalidad sa mga taga kanluran.

Nuong ako naman ay natungtong sa kolehiyo namulat ako sa katotohanan na sadyang iba't iba ang panlasa ng tao. Napanood ko sa telebisyon na may mga tao pala na nagagandahan sa matatalas na ngipin. Tulad na lang sa Indonesia. Sa Indonesia may mga tao na sadyang nag papa-hasa ng kanilang mga ipin para mag mukang maganda para kanilang asawa. Ayon din sa kanila, ang ganitong hugis ngipin ay nakakatulong upang maiwasan ang pagkakaroon ng sira sa ipin.



Iba naman ang trip sa bali, sa kanila ayaw naman nila ng matalim na ngipin. Ang gusto nila ay iyong mapurol at pantay-pantay ang haba. Ayon sa kanila, kailangan daw pudpurin ang ngipin, lalo na ang mga pangil, upang mapigilan ang likas na kasamaan ng isang tao tulad ng galit, selos, pagkalulon sa bisyo at iba pa. Napaka importante ng ritwal ng pagpapaurol ng ipin sa kanilang kultura. Sa unang sinyales pa lang ng pagdadalaga at pagbibinata ay isinasabak na ang mga kabataan sa ganitong ritwal. Kung hindi naman nagkaroon ng pagkakataon na sumailalim sa ganitong ritwal ang isang Balinese, sinisiguro nila na bago magpakasal ay mapudpod ang kanilang mga ngipin.Sa kanilang kultura ang tatay mismo ang nagpupudpod sa ipin ng kanyang anak na babae dahil ayon sa kanila ay tungkulin ito ng mga ama. Kapag naman patay na ang isang Balinese at hindi pa ito dumadaan sa rituwal, sinasadyang pudpurin muna ang ngipin nito bago sunugin ang katawan. Ayon sa kanila kailangan nilang gawin ito para pag tungtong nga kaluluwa nito sa langit ay papasukin ito, dahil kung hindi pa pudpod ang ngipin ay baka pagkamalan itong mabangis na hayop o demonyo.

Sa Vietnam at Thailand iba naman ang tipo ng mga tao. Uso sa kanila ang may maiitim na ipin. Para sa kanila maganda ang babae na mayroong maitim na ipin at ipinapahiwatig din nito na handa na magpakasal ang babae. Ayon din sa kanilang tradisyon, kailangan paitimin ang ipin ng tao dahil mga hayop, demonyo at masasamang espiritu lang daw ang mag mapuputi at mahahabang ngipin.Isa din itong paraan upang mapangalagaan ang ngipin ng tao.

Sadya nga talagang iba't iba ang kultura ng mga tao. Mula sa pananalita, pananamit, maging sa ipin ay naipapakita ito. Nakakamanghang mapag aralan ang iba't ibang kultura ng ating mundo. Samu't saring mga likha ang ating makikita. Sa ating paglalakbay sa pagtuklas ng iba't ibang kamangha manghang bagay sa mundo ay nabibigyan tayo ng malinaw na paningin tungkol sa ibang mga tao, na hindi tayo dapat mang-husga dahil ang lahat ng bagay na angkop sa kultura ay may simbolismo na dapat nirerespeto.

Wednesday, November 19, 2008

Ugat ng Wika

May mga bagay sa mundo na hindi na pinoproblema at iniisip pa ng mga tao. Gaya ng kung bakit bughaw ang ulap, kung bakit matamis ang asukal, kung sino ba ang nagpauso ng pagsusuot ng pustiso at kung anu-ano pa. Kadalasan, mapapaisip lamang tayo kapag may nagtanong na sa atin. Tulad ng nangyari ngayon. Naatasan kami na magsulat tungkol sa pinagmulan ng wika. Napaisip tuloy ako ng lubusan noong ibinigay ang gawaing ito. Saan nga ba nanggaling ang wika? Sino ba ang nagpasimula nito?

Ayon sa aking pagsasaliksik sa internet, mayroong dalawang teorya tungkol sa pinagmulan ng kakayanan ng mga tao na makapagsalita. Ang una ay ang paniniwala sa sinasabi ng Bibliya na ang wika ay isang regalo mula sa Diyos. Na simula pa lang ng ipinanganak ang tao, may natural na itong kapasidad na gumamit ng wika. May punto naman ang nakasaad dito dahil tao lang naman talaga ang ipinanganak na may kapasidad upang magsalita dahil kahit ilang milyong taon mo pa turuan magsalita ang aso hindi talaga magsasalita yun. Ang ikalawa namang palagay ay ang paniniwala na ang wika ay nagsimula noong panahon na nag e-"evolve" ang tao at nagkaroon ng pagkakataon na malinang ang utak nito at natuto silang magsalita. Para na ring sinabi nitong teorya na ito na isang araw makakapag-salita na din ang mga kabayo at makakasalamuha natin sa araw-araw.

Mayroon ding mga teorya tungkol sa pagkakagawa ng wika bukod sa mga teorya tungkol sa pinagmulan ng kapasidad ng tao sa pagsasalita.

Ang "Ta-ta Theory" ni Charles Darwin ay nagsasabi na ang wika ay nagsimula sa pag-gaya ng tao sa galaw ng katawan sa pamamagitan ng pag-likha ng mga tunog gamit ang bibig. Kumbaga noong unang panahon daw ang mga tao na nangangaso ay nag sesenyasan lamang. Ngunit dahil nagkaroon na sila ng madaming kagamitan ay nahirapan na silang sumenyas kaya sila ay gumawa ng mga tunog na nagpapahiwatig ng gusto nilang sabihin sa kanilang ka-tribo. Siguro dito pwede natin isunod ang teorya na nagsasabi na ang wika ay nagmula sa pang-gagaya ng mga tao sa mga naririnig nitong mga tunog. Nakakatawang isipin, halimbawa ang mga kababaihan ay manghuhuli ng palaka. Isang sosyal na babae ang nakakita sa pugad ng mga palaka, ngunit sa kadahilanang takot ito sa palaka ay sumigaw na lang siya ng Ribbit! Ribbit! Isang ordinaryong babae naman ang nakarinig sa sigaw kaya tinawag niya ang kanyang mga kasamahan para puntahan ito kaya siya ay sumigaw na Kokak! Kokak! at nagdadagsaan na ang ibang mga babae para humuli ng mga palaka.


"Bow-wow Theory" ang teorya na tinutukoy ko sa nabanggit kong pag-gaya sa tunog mula sa kalikasan. Ang sabi sa teoryang ito, nagmula ang wika sa panggagaya ng mga tao sa mga tunog na naririnig nito katulad ng tunog ng aso; arf-arf (kung ikaw ay pa-sosyal), wu-wu, (kung ikaw ay Instik), tunog ng manok; cockadoodle-doo (kung ikaw ay may imported na manok), Tiktila-ok (kung taga kalye lang ang manok mo). Kung iisipin natin, di ba't magkakatunog lang naman talaga ang mga hayop na ito, pero bakit iba-iba ang mga salitang ginagamit ng tao? Hindi ba dapat pare-pareho lang sila kung dito talaga nagsimula ang pagkaimbento ng wika?

Mayroon din tinatawag na "Pooh-pooh Theory" kung saan sinasabi na ang wika ay nagsimula sa pag-lalahad ng mga tao sa kanilang nararamdaman. Halimbawa kapag kinurot ka ng iyong guro sa singit ikaw ay sisigaw ng Aray!!!, o kaya naman kung maarte ka ay sisigaw ka ng Ouch!!! Isa pang halimbawa ay kung nakakaramdam ka ng kalungkutan. Kung ikaw ay isang Kano, sigh ang maririnig sa iyo, kung ikaw ay Pinoy malamang hay.... naman ang maririnig sayo.

Sa totoo lang, nakakatawa ang mga palagay na ito, may mga "bias" kasi at madaming butas kung iyong titignan. Kung ako ang personal na tatanungin sa lahat ng mga nabasa kong teorya, pinaka-paniniwalaan ko yung sinasabi ng Bibliya dahil para sa akin yun ang may "sense" sa lahat ng teorya, bagamat wala itong "scientific basis". Nasabi ko na may "sense" ito dahil madami pa din mga bagay na hindi maipaliwanag, at ito ang pinaka malapit na paliwanag na aking nakikita sa ugat ng wika. Hindi ko magawang maniwala sa teorya ng ebolusyon sa ugat ng wika dahil kung totoo ito edi sana nakakausap na natin ngayon ang mga unggoy. Hindi ko din naman magawang paniwalaan ang mga teorya na nagsasabi na nagmula ang wika sa pag-gaya ng mga tunog sa kalikasan dahil hindi naman iisa ang mga salitang ginagamit natin sa pag-gaya sa mga tunog na ito. Sa aking palagay ang mga panggagaya natin sa mga tunog sa kalikasan ay base padin sa wikang kinalakhan natin.

Sa kasalukuyan hindi pa din maipaliwanag ng mga siyentipiko, mga matimatiko at mga lingguistiko ang tunay na ugat ng wika. Kahit ako naguguluhan din at nagtataka. Siguro nga hindi lahat ng bagay sa mundo ay kayang maipaliwanag ng tao. Nakakatuwang isipin dahil dito nagiging lalong misteryoso ang mundong ginagalawan natin.